Walang Imposible Pagdating sa Pag-ibig
Si Carla ay isang labing tatlong gulang na dalagita na naninirahan sa Gimba, Nueva Ecija. Siya ay nasa unang antas na ng sekundarya. Talagang nasa pagkabata pa siya pero mababakas mo sa mukha niya ang kagandahang taglay. Hindi siya gaanong matalino ‘di tulad ng kanyang ilang pinsan. Ang ama niya na si Carlos ay isang sundalo at ang ina naman na si Marife ay isa lamang simpleng maybahay lamang.
Isang araw, sinabi sa kanila ng kanyang ama na napadestino siya sa Lungsod ng San Pablo, lalawigan ng Laguna. Dahil dito, kinailangan nila na lumipat na naman muli ng tirahan.
“Huwag kayong mag-alala, may nakausap na akong maghahanap ng bahay para sa atin. Pagdating natin doon, ayos na ang lahat,” ang sabi ni Carlos.
“Ngunit Papa, paano na po ang pag-aaral ko?” ang tanong ni Carla na tila alalang-alala.
“Anak, pwede ka namang mag-aral dun sa lilipatan natin,” ang tugon ng kanyang ama sabay ngiti sa anak.
Walang nagawa si Carla kung hindi ang sumunod sa ama. Makaraan ang ilang araw, bumyahe na sila patungo sa San Pablo dala-dala ang mga importanteng gamit nila.
Sa pagdating nila sa San Pablo, napalipat sila sa Brgy. Concepcion. Masaya naman ang mga lumipas na araw nila doon.
Napili niyang pumasok sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Ito ay dahil mayroon silang kapitbahay na pumapasok doon.
Dumating na ang petsang Hunyo 2, 2015, ang unang araw ng eskwela nila para sa taong pampaaralan na 2015-2016. Sa pagkakataong ito’y nasa ikalawang antas na siya. Siya ay napabilang sa seksyon B. Puno ng kaba ang kanyang dibdib dahil lahat ay bago sa kanyang paningin- ang paaralan, guro, at ang mga estudyante. Pero ilang araw lang ang lumipas ay nagkaroon agad siya ng mga kaibigan.
Hindi pa rin nagbago ang nakaugalian ni Carla. Kapag may bakanteng oras, naglalaro sila ng kanyang mga kaibigan sa malawak na ‘field’ ng paaralan. Hindi niya inaalintana ang itsura niya matapos ang mahabang oras ng paglalaro. Kahit gulo-gulo na ang buhok niya, hindi pa rin siya nagsusuklay. Kahit na medyo malangis na ang kanyang mukha, hindi pa rin siya nagpupulbos ‘di tulad ng iba niyang kaklase. Tila ba pakiramdam niya’y isa pa rin siyang elementarya.
Nagiging mas mabuti pa ang takbo ng buhay nina Carla dito sa San Pablo habang tumatagal. Naging maayos din naman ang kanyang mga marka sa taong ito.
Dumating na ang taong pampaaralan na 2016-2017. Siya ay isang ganap na mag-aaral ng ikatlong antas, seksyon ng A. Dito na nagsimula ang mga pagbabago kay Carla. Natuto na siyang mag-alaga sa kanyang sarili. Marunong na siyang manuklay ng kanyang buhok at magpulbos ng kanyang mukha.
Bilang parte ng pagdadalaga niya, nagsisimula na rin siyang humanga sa ilang lalaki dala na rin ng panunukso ng kanyang mga kaibigan. Pero, hindi pa rin nawawala sa sistema niya ang paglalaro sa ‘field’ kapag may bakante silang oras.
Isang hapon, naglalaro sila ng paltok bola ng mga kaibigan niya sa ‘field’. Sila ang taya kaya siya ang pumapaltok sa mga kalaban. Hindi naman niya sinasadyang tamaan ang isang lalaking dumadaan. Dahil ditto, humingi siya ng pasensya sa lalaki. Hiniyaan naman siya ng kanyang mga kaklase bilang tanda ng kanilang pangungutya.
Pagbalik nila sa kanilang silid ay wala pa rin silang guro kaya nagkwentuhan muna sila.
“Ang gwapo pala niya,” ang palihim na bulong ni Carla.
“Sino?” ang sabay-sabay na tanong ng mga kaibigan niya.
“Yung natamaan ko kanina nung bola. Dumaan siya sa harap ng room natin,” ang tugon niya.
“Uy, si Carla, dalaga na, umiirog na,” ang asar ng kaibigan niyang si Sally.
Mula noon, kada dadaan ang lalaking iyon ay naghihiyawan sina Carla.
“Sino naman yung hinihiyawan niyo?” ang tanong ng kakalase nilang si Danica.
“Ayun o, yung nakaupong lalaki sa may labas ng library,” ang sagot ni Sally habang itinuturo ang lalaki kay Danica.
“Ah.. ayun ba? Eh siya yung kaklase ni Francis eh,” ang sabi ni Danica.
Si Danica ay isa rin sa mga kaibigan nina Carla. Ang tinutukoy na Francis ay kasintahan niya. Si Francis ay nasa ikaapat na antas na, seksyon E.
“Gusto niyo itanong ko kay Francis kung anung pangalan niya? Sandali lang ha, pupunta ako sa kanya.” Ang sabi ni Danica.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik na siya at sinabi kay Carla na Christian ang pangalan ng crush niya na kaklase ni Francis.
Isang hapon, paglabas niya sa room, tinawag siya ni Francis.
“Carla, crush mo ba talaga si Christian?” ang tanong ni Francis.
“Medyo,” ang tugon ni Carla.
“Alam mo Carla, halos tatlong taon ko nang kabarkada si Christian kaya kilalang-kilala ko na siya. Talagang gwapo at maputi na ‘yan simula ng makilala ko. Kaya nga lang, syempre, kadalasan ng mga gwapo, mahilig sa babae. Hindi ‘yan nawawalan ng girlfriend kasi nga maraming may crush sa kanya. Binatang-binata talaga kung kumilos ‘yan.”
“Ayos lang ‘yun Kuya Francis. Crush ko lang naman siya eh….”
Dumating na ang araw ng JS Prom nila. Lahat ng mga babaeng kaklase niya ay naggagandahan. Siyempre pati si Carla. Ibang iba ang itsura ni Carla. Napakaganda nito. Hindi mo aakalain na siya talaga ‘yun.
Nakita ng mga kaibigan nila na dumating din sa Prom si Christian. Kaya kinausap ni Danica si Francis na sabihin naman kay Christian na isayaw si Carla para maging masaya daw ang gabi niya. Nahalata naman ni Carla ang pinaplano ng mga kaklase niya pero ‘di muna siya nagsalita. Hindi na siya nakatiis kaya umimik na siya. Sinabi naman ng mga kaibigan niya na ayos lang daw iyon dahil minsan lang daw ito mangyayari.
Sama-sama silang nakaupong magkakaibigan nang biglang dumating si Francis kasama si Christian. Kinakabahan na siya dahil sa kanya papalapit ang dalawa. Nagulat na lamang siya nang biglang iniabot ni Christian ang mga kamay nito sa kanya. Ito’y isang senyales na isasayaw siya nito.
Walang ibang nagawa si Carla kundi ang sumama dala na rin ng hiyawan ng kanyang mga kaibigan. Habang nagsasayaw sila ay kabang-kaba siya dahil hindi niya akalain na papayag ang isang katulad niyang gwapo na isayaw ang babaeng tulad niya na pangkaraniwan lamang. Tinanong nito kung anung pangalan ni Carla at pagkatapos ay nagpakilala ito sa kanya. Kinuha din ni Christian ang cellphone number niya. Sobrang saya ni Carla ng gabing iyon dahil tila natupad ang isa niyang pangarap.
Lumipas ang araw. Nabigla na lamang siya nang mag-text sa kanya si Christian. Dumalas na ang pagte-text nito kay Carla na may kasama pang malalambing na salita. Kilig na kilig naman itong si Carla.
Isang hapon, muli na naman silang naglaro ng paltok-bola sa ‘field’. Malayo ang narating ng bola kaya hinabol ito ni Carla. Ngunit may isang lalaki na sumimot nito. Si Christian pala. Napatitig na lamang lahat ng kaibigan niya ng bigyan nito ng bulaklak si Carla.
“Isa lang ang ibig sabihin niyan. Gusto rin ng gwapong si Christian si Carla. Aaaaaaahhh!!!” ang hiyaw nina Danica at Sally.
Araw-araw ay pinupuntahan ni Christian si Carla sa room nito. Tila ba nanliligaw ito kay Carla. Isang hapon, habang nag-hihintay si Christian kay Carla ay nilapitan ito ni Sally at Danica at kinausap.
“Christian, talaga bang gusto mo si Carla? Baka naman pinaaasa mo lang siya ha kasi alam mong crush ka niya?” ang mausisang tanong ng dalawa.
“Oo. Hindi ko nga rin inaasahan na isang babae lang palang sobrang simple na tulad ni Carla ang makapagpapatino sa akin. Nakakamangha ‘no. Ipinapangako ko sa inyo na hindi ko sasaktan si Carla dahil espesyal siya para sa akin at mahal ko siya,” ang tugon ni Christian na nasa mababang boses.
Sa hinaba-haba ng panahon ng panliligaw niya kay Carla, sa wakas at sinagot na niya si Christian dahil nararamdaman daw naman ni Carla na seryoso ito sa kanya.
Kahit na isang kolehiyo na si Christian ay pinupuntahan pa rin nito si Carla sa Dizon High.
“Hay naku. Parang hindi ako makapaniwala sa mga pangyayari. Nang dahil lamang sa paglalaro natin ng paltok-bola sa oval ay nakilala at nagging parte ng buhay ko si Christian. Hindi ko rin inaasahan na sa dinami-rami ng may gusto sa kanya, sa akin pa siya nagkagusto,isang babae na hindi naman kagandahan at simple. Hindi ako makapaniwala na isang campus crush ang kasintahan ko ngayon,” ang sabi ni Carla kay Sally na may ngiti sa labi.
“Ngayon ko napatunayan na walang imposible sa pag-ibig.”
No comments:
Post a Comment