Ang Tunay na Sukatan ng Kaligayahan ng Isang Tao
"Ano nga ba ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa isang tao? Ito ba ay ang pag-ibig, kapayapaan, at pagkakaisa? O ito ba ay ang pera at karangyaan na nagdadala ng tunay na kaligayahan sa isang tao?”
Hindi natin maiwawaksi ang katotohanan na isa ang mga Pilipino sa pinakamasasayang tao sa buong mundo. Ito ay sa kadahilanang kahit humaharap tayo sa napakarami at napakabibigat na problema, nagagawa pa rin nating maging masaya sapagkat iniisip natin na lahat ng suliranin, magaan man o mabigat ay may solusyon. Kung tayo’y magpapadala sa depresyong dala ng mga problemang ito, maaaring maapektuhan ang ating kalusugan. Kaya, upang maiwasan ito, huwag nating isantabi ang pagiging masayahin.
Para sa ating mga Pilipino, maraming sukatan kung paano magiging masaya ang isang tao. May ilang tao ang sumasaya ng dahil sa pagkakaroon ng kapayapaan at pagkakaisa. Gaya na lamang ng nangyaring EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION noong Pebrero 25, 1986. Hindi natamo ng mga mamamayan ang kasiyahan dahil sa mapaniil na pamumuno ng dating Pangulo na si Ferdinand E. Marcos. Dahil dito, nabuo ang damdaming makabayan ng mga Pilipino na nagbunsod sa kanilang pagkakaisa upang paalisin ang pamumuno ng rehimeng Marcos sa pamamagitan ng mapayapang paraan at hindi paggamit ng dahas. At, sa kanilang pagtatagumpay, nakamit nila ang tunay na kaligayahang matagal na nilang inaasam-asam.
Ngunit, mayroon rin mga taong naniniwala na pera o karangyaan ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa buhay nila. Kadalasan, mga mayaman, maimpluwensya, at makakapangyarihan ang naniniwala dito. Walang ibang nakapagpapasaya sa kanila kundi ang magkaroon ng mataas na posisyon sa buhay at patuloy na malasap ang karangyaan . At kapag dumating na ang panahon na tila nawawala na ang karangyaang ito, mapapansin mo na tila may galit sila sa mundo at nagagawa na nilang gumawa ng mga bagay na labag sa batas ng tao at sa batas ng Diyos.
Ngunit, wala ng hihigit pa sa pagiging masaya ng dahil sa pag-ibig, pag-ibig na bukal at galing sa puso ng bawat isa sa atin. Gaya ng pag-ibig natin hindi lamang sa sarili natin kundi sa ating kapwa. Nagiging masaya tayo kapag may naitutulong tayong mabuti para sa ating kapwa. Nagiging masaya tayo kapag namamayani hindi ang galit sa ating puso kundi ang pag-ibig na wagas at walang pinipili, kapag alam nating walang nagagalit sa atin, at kapag alam nating wala tayong inaapakan at inaalispustang tao.
Marami pang sukatan ang ilang tao sa pagiging masaya. Ngunit, kahit ano pa man ito, para sa akin, wala ng hihigit pa sa pag-ibig na namamayani sa katauhan ng isang tao.
No comments:
Post a Comment