Monday, February 14, 2011

Ang Aking Dalawang Kapatid



             Gaano nga ba kasarap magkaroon ng isang mapagmahal, mapagbigay, at maaalahaning kapatid? Ito ang tanong na  tumatak sa aking isipan mula noong ako’y maging isang 1st year  high school student hanggang sa kasalukuyan.
Ako ay isang simpleng tao na mayroong dalawang lalaking kapatid, bunso, at nag-iisang babae sa tatlong magkakapatid. Bilang isang bunso at nag-iisang babae, dapat nararamdaman ko ang pagmamahal at pagpapahalaga ng mga kapatid ko, lalung lalo na ng panganay kong kuya. Ngunit kabaligtaran yata ang nangyayari sa akin ngayon. Biniyayaan nga ako ng isang gwapo at habuling kuya, ngunit hindi ko naman maramdaman na pinahahalagahan niya ako bilang isang kapatid. Buti na lamang at mayroon pa akong isang kuya na nagmamahal at nagpapahalaga sa akin gaya ng pagmamahal na natatanggap ko mula sa aking mga magulang. Siya ay responsable at kumikilos na para bang siya ang panganay kong kapatid. Kaya ganon na lamang ang pagmamahal ko sa kanya bilang isang kapatid.
          Tila yata sinambot na ng kapatid kong panganay ang napakaraming hindi kagandahang ugali. Madalas kaming nag-aaway. Hindi ko naman masisi ang sarili ko bakit ako sumasagot sa kanya dahil na uubusan na rin ako ng pasensya kung minsan. Siya ay labing walong taong gulang na ngunit hindi siya kumikilos ng tama sa edad niya. Sa halip na ako ang pagpasensyahan, ako pa ang nagpapasensya sa kanya. Minsan nga ay umaabot sa puntong sinasaktan niya ako. Nagwawala siya sa bahay naming kapag nagagalit siya. Marami ng gamit sa bahay namin ang nasira dahil sa kanya. Kaya hindi ko masisi ang Papa ko na magkaroon ng konting hinanakit sa kanya. Pero kahit ganon ang ugali niya, minamahal pa rin naming siya lalung-lalo na ang Mama ko na sobrang maaalahanin. Kahit na lagi siyang sinasagot ni Kuya, hindi siya nagtatanim ng galit. Magagalit siya pero maya-maya lang, wala na ang galiy na iyon. Naiinis nga ako kasi hindi niya binibigyang halaga ang pagmamahal na ibinibigay sa kanya ni Mama.
          Kabaligtaran naman ng ugali niya ang isa kong Kuya. Siya ay responsable, mabait, at mapagmahal. Hindi siya gumagawa ng mga bagay na sa tingin niya ay ikasasama ng loob na mga magulang naming. Nag-aaway nga kami pero napakadalang. Nagagalit siya sa akin pero hindi niya ako nagagawang saktan hindi tulad ng ginagawa sa akin ng Kuya kong panganay.
        Masigasig din siya sa pag-aaral. Punung-puno siya ng pangarap sa buhay upang makayulong daw siya sa akin at sa aming mga magulang balang-araw. Hindi tulad ng Kuya kong panganay na tila walang pangarap sa buhay.
       Minsan nga’y naitaanong ko sa sarili ko, kailan kaya magbabago ang Kuya kong panganay? Kailan kaya niya matutunang pahalagahan at  mahalin ako at ang aking mga magulang? Idadasal ko na lang sa ating mga Panginoong Diyos na sana’y tulungan Niyang magbago ang Kuya kong panganay at sana’y manatili ang kabaitan ng isa kong Kuya dahil parehas ko silang minamahal.
       Ito ang paglalarawan ko sa aking mga kapatid. Sana’y mag-iwan ito ng magandang aral sa inyong lahat. Sana’y matutunan nating mahalin ang ating kapatid ng lubos. Kung nagaglit siya sayo, huwag ka ring magagalit. Sa halip ay lalu mo pa siyang mahalin para maramdaman niya na kahit hindi kagansahan ang ugali niya ay mayroon pa ring mga taong nagpapahalaga  at nagmamahal sa kanya. Dapat nating tandaan na kahit anong mangyari, hindi natin mababago ang katotohanan na kapatid natin siya.



No comments:

Post a Comment